Martsa para sa Kalikasan, Pagkain, at Karapatan
Martsa para sa Kalikasan, Pagkain, at Karapatan
nina Rachel Tahay at Tessie Ambol

Isang makulay at makabuluhang martsa ang ginanap sa Midsalip, Zamboanga del Sur noong Marso 4, 2025 upang buksan ang Buwan ng Kababaihan. Pinangunahan ng Midsalip Subanen Ministry Inc. (MSMI), LILAK Purple Action for Indigenous Women’s Rights ang aksyon na may temang “Martsa sa Kababayen-an para sa Kinaiyahan.”
Tinatayang mahigit 300 katao, harap at gitna ang mga kababaihang Subanen mula sa Midsalip, kapit-bising ang mga kapwa Subanen mula sa Lakewood, Josefina, at Zamboanga City. Nakiisa rin sa martsa ang mga katutubong kababaihang Higaonon ng Cagayan de Oro, Teduray at Lambangian ng BARMM, at Erumanen ne Menuvu ng North Cotabato.
Ang martsa, kung saan tampok ang malakas na tinig ng mga kababaihan, ay nagbigay-diin sa mahalagang papel ng katutubong kababaihan sa pangangalaga ng kalikasan at pagtatanggol sa kanilang mga karapatan laban sa mapanirang pagmimina.

Nagdaos ng maiksing programa sa plaza at Midsalip Public Market kung saan nagpabatid ng mensahe ng pakikiisa ang iba’t ibang organisasyong kasama sa parada. Nagpamalas din ng talento at pagmamahal sa kultura ang ang mga estudyante ng Subanen School of Living Tradition (SLT) sa pamamagitan ng isang pagtatanghal.
Pinangunahan ng LILAK National Indigenous Women’s Gathering Steering Committee (SC) at MSMI Teachers ang pamimigay ng rosas sa kapwa kababaihan na nakakasalubong sa kalsada upang bumati ng “Happy Women’s Day!”

Marami sa mga nakatanggap ng rosas ang nagulat nang malaman na mayroon palang buwan na inilalaan para ipagdiwang ang kababaihan.
Ayon kay Wilma Tero-Mangilay, isang Subanen lider kababaihan mula sa MSMI, maraming kababaihan ang nagsabi na hindi nila alam ang espesyal na buwan na ito para sa kababaihan. Dagdag pa ni Mangilay, sa presensya ni Midsalip Mayor Elmer M. Soronio, malinaw nilang ipinaabot ang pagtutol ng katutubong kababaihan laban sa pagmimina.
"Ang pinakamahalaga para sa amin ay ang proteksyon ng kalikasan at ang karapatan namin sa lupa at pagkain. Ang Women's Month ay pagkakataon upang lalong kilalanin ang lakas at kakayahan ng kababaihan," ani ni Mangilay.
Pinakita rin ng mga nagmartsa ang kanilang pagbibigay-pugay sa katutubong kababaihan bilang pangunaging tagapaglikha ng pagkain, sa pamamagitan ng pagsuot ng headband na mayroong sari-saring gulay at prutas.
Kabilang sa martsa si Tessie Ambol, isang Lambangian lider na nagsabing kitang-kita ang pagkakapareho ng Lambangian at Subanen sa isyung pang-aangkin at pangangamkam ng lupaing nunino o fusaka inged.
Sa kabila ng matinding init ng araw, nagpatuloy ang martsa ng mga kababaihan at mga tagapagtanggol ng karapatan ng kababaihan at kalikasan patungo sa huling destinasyon — ang Midsalip Municipal Gymnasium.
Isang makapangyarihang mensahe ang ipinabatid ng mahigit 300 kababaihan at mga nakiisa: ang kolektibong responsibilidad ng bawat mamamayan na pangalagaan ang kalikasan, katulad ng pangangalaga ng mga katutubong kababaihan.