Punlaan ng Kamalayan, Pangarap, at Pagkakaisa ng Katutubong Kababaihan
Punlaan ng Kamalayan, Pangarap, at Pagkakaisa ng Katutubong Kababaihan
Isinulat ni Sophia Bonifacio
Si Wilma Tero-Mangilay ay isang babaeng Subanen mula sa Midsalip, Zamboanga del Sur.
Bago pa man bumati ang araw sa kalangitan, bumabangon na si Wilma, mas kilala bilang Wing, upang magluto at maghanda ng pagkain para sa kanyang pamilya.
Bahagi ng kanyang umaga ay ang pagdarasal, pagninilay, at paghigop ng mainit na kape. Bilang guro, kailangan niya ito upang magkaroon ng enerhiya sa paghahanda ng lesson plan para sa klase sa araw na iyon.

Sa tanghali, kasama ng listahan ng bibilhing sahog para sa hapunan ng pamilya ay bitbit din ni Wing ang listahan ng mga gawaing naghihintay sa kanya bilang supervisor ng kapwa niyang mga guro sa pitong Subanen Indigenous Peoples Education (IPED) schools.
Kasabay ng lahat ng ito ay nakaabang si Wing sa kanyang cellphone para sa mga isyu na pumuputok sa kanilang komunidad at sa iba pang mga usapin tungkol sa karapatang pantao upang ipaalam ang mga ito sa kapwa Subanen.
Isang ina, guro, IPED co-teacher supervisor, at babaeng Katutubong lider, kilala si Wing sa iba’t ibang pangalan—Nanay Wing, Teacher Wing, at Ate Wing.
Sa pagbaybay ng mga gampaning ito, lubos na batid ni Wing ang mga suliraning kinakaharap ng mga Katutubo sa usapin ng edukasyon sa Pilipinas.
Hindi lingid sa isang Katutubong nais matuto sa paaralan ang reyalidad ng diskriminasyon sa kanilang pisikal na anyo, kaugalian, at pananalita.
Kwento ng kapwa Katutubong babae , “Naulaw man ko ibigkas ang sarili kong wika sa eskwelahan. Pinagtatawanan kami kasi dili kami marunong mag-English [Nahihiya akong gumamit ng sariling wika sa eskwelahan. Pinagtatawanan kami kasi hindi kami marunong mag-English].”
Imbis na sa pag-aaral nakatuon ang kanilang atensyon, iniinda din nila ang emosyonal at sikolohikal na epekto ng pangungutya.
Mula sa layo ng mga paaralan mula sa kanilang mga komunidad, sa hindi abot-kayang gastusin upang makapag-aral, sa palakasan system para makakuha ng scholarship, hanggang sa pangungutya sa loob ng silid-aralan, nagmamarka ang diskriminasyon na nararanasan ng mga Katutubo sa larangan ng edukasyon.
Kasalukuyang konteksto ng Indigenous Peoples Education
Ayon sa datos ng World Bank noong 2022, isa sa mga problemang hinaharap ng Pilipinas sa ngayon ay ang tinatawag na learning poverty kung saan 90% ng mga kabataang edad 10-taon ay hirap magbasa at intindihin ang binabasa.
Sinasabi ng World Bank na ang datos na ito ay dahil sa pandemya. Ngunit bago pa man ang pandemya, matagal na ring problema ng mga Pilipino, lalo na ng mga Katutubo, ang akses sa malalapit na paaralan, at sa kalidad ng edukasyong angkop sa konteksto at kultura ng mga Katutubo.
Noong 2011, inilunsad ng Department of Education (DepEd) ang IPED o Indigenous Peoples Education (IPED) Program, bilang tugon sa nasabing suliranin.
Ayon sa DepEd, ang IPED Program ay “isang programa ng pamahalaan na sumusuporta sa edukasyon at mga inisyatibong magpapayabong ng kaalaman at pagkatuto ng mga Katutubo mula sa kanilang Indigenous knowledge, systems, and practices (IKSPs), kasaysayan, Katutubong lengwahe , at iba pa.”
Ngunit ang programang ito ay nabalot na ng kontrobersiya higit lalo sa ilalim ng administrasyong Duterte dahil sa counter-insurgency campaign ng kanyang pamahalaan.
Patuloy ang karahasan, panggigipit, at pang-aabuso sa mga Katutubong komunidad, kabilang na ang pambibintang sa mga guro bilang kasapi ng rebolusyonaryong armadong grupo, higit lalo sa Mindanao. Noong 2019, nagbanta si dating Pangulong Rodrigo Duterte na bobombahin niya ang Indigenous schools. Kalaunan ay sapilitan niyang ipinasara ang 100 Indigenous schools sa bansa.
Isa sa mga ipinasara ay ang SILDAP Community Learning Center, isang punlaan ng imahinasyon at kaalaman ng mga kabataang Katutubo sa Davao Del Norte. Matapos ang pag-redtag sa mga guro at pag-akusa sa paaralan bilang instrumentong naglalayong palakasin ang rebelyon sa bansa, hindi na sila muli pang binigyan ng permit.
Kasabay ng mga atakeng ito ang patuloy na panghihimasok ng malalaking korporasyon sa mga lupaing ninuno ng mga Katutubo, kagaya ng mapanirang pagmimina, land conversion, at mga mega dam projects, mga plantasyon, at iba pang mga negosyo. Kadalasan, ang mga proyektong ito ay pumapasok sa mga lupaing ninuno nang hindi dumadaan sa tamang proseso ng Free, Prior, and Informed Consent na nakasaad sa Indigenous Peoples Rights Act 1997.
Ang Katutubong kababaihan ang isa sa unang tinatamaan at higit na bulnerable sa komunidad tuwing may tunggalian sa lupa. Dahil na rin sa kaakibat na responsibilidad na nakaatang sa Katutubong kababaihan sa loob ng pamilya at komunidad, nawawalan sila ng oportunidad na makapag-aral.
Nahihirapan ding makakuha ng mataas na posisyon o espasyo sa paggawa ng desisyon sa komunidad ang mga Katutubong kababaihan dahil kinakahon ang tungkulin at gawain ng kababaihan sa tahanan.
At bagamat matagal nang naisabatas ang pagkakaroon ng IPEd schools, mababa pa rin ang enrollment sa community schools dulot ng kahirapan at layo ng mga eskwelahan sa mga Katutubong komunidad. Problema din ang budget allocation ng pamahalaan para sa programang ito. Hindi sapat para makapagparami ng mga katutubong guro, na may sapat na training; at makapagbuo ng culturally-appropriate na curricula.
Dahil dito, madalas ay sinasarado rin ang mga eskwelahan matapos ang ilang buwan o taon.
Diwa ng tunay na maka-Katutubong edukasyon
Sinasaad ng DepEd Order No. 62 s. 2011 na ang IPEd teachers ay hindi kinakailangang nagtapos ng kurso sa Education at kahit high school level lamang, basta mayroong kaalaman sa Indigenous Knowledge System and Practices o IKSP.
Ngunit sabi ni Wing, madalas ay hindi pamilyar sa kultura at lenggwahe ng mga Katutubo ang mga tinatanggap na guro kung kaya’t nagiging komplikado sa isipan ng mga estudyante ang mga paksa.
Ang adhikain ng tunay na ndigenous Peoples Education ay ang pagpapalalim ng pag-unawa ng mga kabataang Katutubo sa kanilang kultura at isyung kinapapalooban sa komunidad. Ito ay naglalayong hubugin ang kaisipan ng kabataan, palawakin ang suporta sa Katutubong edukasyon, at magsilbing instrumento sa komprehensibong pag-abante ng Katutubong kababaihan.
Bagamat marami ring nakamit ang mga paaralan para sa Katutubo, tuloy pa rin dapat ang paghubog sa mga Katutubong kabataan na maging susunod na lider sa komunidad, pagpapatuloy at pagpapalakas ng kanilang kultura, pagtaas ng kamalayan sa isyung panlipunan, at pagpapalakas ng samahan. Dito, naniniwala ang mga peministang organisasyon tulad ng LILAK (Purple Action for Indigenous Women’s Rights), isang kolektibo na kumikilos kaisa sa katutubong kababaihan, na may pangangailangan para sa mga espasyong malaya ang Katutubong kababaihan na matuto, magturo, at makipagtalakayan, lalo tungkol sa karapatang pantao.
Naniniwala ang LILAK na posibleng magkaroon ng isang paaralan na makababae at maka-Katutubo.
Isang mapagpalaya, maka-babae, at maka-Katutubong edukasyon

Noong 2021, binuo ng LILAK ang isang pangarap na magkaroon ng isang feminist at culturally responsive learning program para sa Katutubong kababaihan. Hindi bilang kapalit ng pormal na edukasyon, ngunit bilang tulay upang itawid ang agwat na iniiwan ng mainstream academic institutions—kung saan matagal nang makitid ang espasyo para sa progresibong diskurso at pagbuo ng makabuluhang ugnayan sa pagitan ng Katutubong kababaihan.
Sa gayon, inilunsad ng LILAK ang Indigenous Women Mentoring Program o IWoMen.
Ang IWoMen Program ay isang espasyo kung saan ang mga katutubong kababaihan ay nagbabahagi ng kanilang mga kwento, kaalaman, kasanayan, at pagninilay-nilay sa kanilang karanasan bilang Katutubong kababaihan. Dito rin sila natututo ng mga bagay na magpapalawak ng kanilang kaisipan tungkol sa ating kasaysayan bilang sinakop ng mga dayuhan, mga pambansang isyu na may direktang koneksyon sa kanilang kasalukuyang kalagayan bilang katutubong babae. May mga pagsasanay din bilang lider, tagapagsalita, at tagapangtanggol ng karapatang pantao.
Naglalayon ang programa na maag-ambag sa pagbuo ng mga intergenerational leaders mula sa mga kababaihan sa mga Katutubong komunidad sa pamamagitan ng mentoring.
Isa si Wing sa mga katutubong lider kababaihan na naging estudyante at mentor sa IWoMen, kung saan siya ay nagtapos noong Agosto 2024, kabilang sa ikalawang batch ng IWoMen graduates..

Bilang guro at tagapagtanggol ng karapatan ng Katutubong kababaihan, hinaharap niya ang hamon ng kasalukuyang konteksto ng edukasyon, at ang peguliyug* sa pagtaguyod ng tunay na Indigenous Peoples Education.
*Salitang Subanen para sa ‘paglalakbay;’ tema ng IWoMen Batch 2 Graduation.
Si Wing, kasama ang iba pang nagsipagtapos ng IWoMen, ay patuloy na inuukit ang kanilang pangarap para sa isang pantay-pantay at makatarungang lipunan.
