Bilang pagsasara sa Buwan ng Kababaihan 2023, pormal na inilunsad ng LILAK (Purple Action for Indigenous Women’s Rights) ang She Said She Said: An Intergenerational Storytelling among Indigenous Women Human Rights Defenders sa pamamagitan ng isang exhibit Binigyang pagkilala ng mga katutubong kabataang kababaihan na Teduray at Lambangian mula sa Upi, Maguindanao, mga Higaonon mula sa Cagayan De Oro, at mga Tuwali mula sa Nueva Viscaya ang mga Katutubong Kababaihang lider na nagbahagi ng kanilang mga kuwento ng pakikibaka para sa Karapatan ng mga katutubo, kababaihan, at karapatang pantao. Ito ay idinaos sa Sine Pop, St. Mary’s Street, Quezon City, noong March 31, 2023.
Ang pangunahing layunin ng proyektong She Said She Said ay ang makapagdokumento ng mga kuwento ng mga katutubong kababaihan na patuloy na nakikibaka upang kilalanin ang karapatan ng mga katutubo at ng mga kababaihan upang magkaroon ng puwang sa lipunang ginagalawan. Gamit ang mga artwork bilang porma ng creative expression ng mga katutubong kabataang kababaihan, naipakita ang iba’t ibang uri ng karahasan na naranasan ng mga katutubo, ang mga karanasan ng mga katutubong kababaihan, ang mga pagbabanta sa buhay at komunidad na dulot ng pagprotekta laban sa mga nais umagaw ng mga lupaing ninuno. Naging tampok ang mga karahasang ito lalo na sa panahon ni Ferdinand Marcos Sr., at Rodrigo Duterte.
Natunghayan ng mga panauhin ang mga larawan at mga malikhaing presentasyon mula sa mga kabataang kababaihang katutubo. Sa pamamagitan ng linggeng na isang indigenous song ay inawit ni Rizell Campo ang Kagëy ëggë Agëwon (Aming Karanasan). Inalay naman ni Riza Mae Campo ang kanyang Reflection na The Indigenous Women I Admire sa pamamagitan ng isang drawing. Ibinahagi ni Feby Midal, Lambangian ang isang video essay na pinamagatang Ang Aming Talambuhay,” kasama ang kanyang ina. Binasa naman nina Michelle Dagsaan, isang Higaonon ang kanyang tula na pinamagatang “Ina, Kasama, at Liwanag”, at si Cherry Ann Dulnuan, Tuwali, na “Lakas ng Kababaihan. Si Jane Masandaan ay nag-alay ng isang bisaya song na ang pamagat ay Kinabuhi (Buhay). Binaybay naman ni Ellen Nacalaban, Higaonon, ang kanyang kuwento at inspirasyon na nakuha niya mula sa pakikipagkuwentuhan kay Bae Mercy Wabe.
Ayon kay Fintailan Rebecca Mokudef, katutubong Leader na Teduray ay lubos siyang nagagalak sapagkat nasimulan nang isulat ang kanyang kuwento bilang Indigenous Women Human Rights Defender.
“Sana ay magbigay daan ito upang magkaroon ng inspirasyon ang mga katutubong kabataan na ipagpatuloy ang aming mga nasimulan. Sa pamamagitan ng proyektong ito, napatunayan na hindi hadlang ang kakulangan ng edukasyon o naabot na grado para manindigan, lumaban para maipakita ang aming mga karapatan bilang isang katutubo, lalo na kaming mga kababaihan na kilalanin ang aming mga karapatang pantao,” ani Fintailan Rebecca.
Ayon naman kay Feby Midal, katutubong kabataang Lambangian, ang She Said She Said ay makabuluhang karanasan para sa isang katutubong kababaihan na kagaya niya.
Dagdag pa ni Feby, “Isang prebilehiyo na makilala at marinig ang iba’t ibang kwento ng magigiting na katutubong kababaihan mula sa iba’t ibang tribo. Ang mga kwentong ito ay mananatiling buhay sa aming mga kabataan, magiging daan para sa aming patuloy na paninindigan sa aming tribo.”
Ayon sa mga katutubong kabataang kababaihan na naging bahagi ng She Said She Said Story Telling, ang proyektong ito ay nagmulat sa kanila upang mas pahalagahan at bigyang atensyon ang kanilang mga naging karanasan ng mas nakakatanda upang ipaglaban ang kanilang mga karaparan. Hiling nila na sana ay mas marami pa ang mga kwentong maisulat upang manatiling buhay ang kultura at magbigay inspirasyon sa mga susunod na henerasyon.
Nagpaabot din ng mensahe ng pakikiisa ang partner organization ng LILAK na OMCT (World Organization Against Torture) sa pamamagitan ni Nicole Buerli. Ang exhibit ay dinaluhan din ng mahigit limangpung (50) katutubong kababaihan mula sa iba’t ibang komunidad at mga suportang grupo.