Pahayag ng Pagkilala, Pagdiriwang, at Patuloy na Pakikibaka
Indigenous Peoples Month 2026
Sa pagtatapos ng Buwan ng mga Katutubo ngayong Oktubre 2026, nagbibigay pugay ang LILAK sa lahat ng katutubong komunidad, higit lalo sa mga katutubong kababaihang lider na patuloy na naninindigan at nakikibaka para sa pagkilala ng kanilang mga karapatan, lupaing ninuno, kultura, at kinabukasan.
Ipinagdiriwang natin ang tagumpay na bunga ng ilang dekadang pagkilos at pakikibaka ng mga katutubong komunidad na hindi natinag sa gitna ng maraming hamon na hinarap. Kabilang dito ang makasaysayang paglahok, at proseso ng pagpili ng mga kasamang Non Moro Indigenous Peoples ng kanilang kinatawan para sa Parlamento ng BARMM. Gayundin, ang pagkakaloob ng Certificate of Ancestral Domain Title (CADT) matapos ang higit tatlong dekadang pagsusulong ng karapatan sa lupaing ninuno ng mga katutubong Tëduray at Lambangian. Sa tagal ng pakikibaka, may mga naunang lider na hindi na nasilayan ang tagumpay na ito. Gayunpaman, ang diwa ng kanilang mga pangarap ay buhay na buhay para sa bagong henerasyon ng mga Teduray at Lambangian na nagpapatuloy ng laban.
Kasabay ng aming pagdiriwang, ay ang patuloy na pagkilala ng LILAK sa marami pang mga hamon na hinaharap ng maraming katutubong komunidad sa Pilipinas. Patuloy ang paghihirap ng mga katutubong kababaihang magsasaka na kung hindi kulang ay walang ani. Dagdag pa rito ang banta na dulot ng krisis sa klima. Patuloy na nanganganib ang kinabukasan ng maraming katutubong kabataang babae sa maagang pagbubuntis at pag-aasawa, na maaaring magdikta sa kanilang magiging kinabukasan. Sa halip na sila ay bigyan ng suporta ay nakakaranas pa sila ng karahasan at gender-based violence mula sa mga tahanan kung saan sana sila ay ligtas, nangangarap, at nagmamahal. Nariyan din ang patuloy na red-tagging at harassment sa mga katutubong kababaihang tagapagtanggol ng karapatang pantao. Kasabay nito ay ang nananatiling hamon sa ganap na pagpapatupad ng tunay at makabuluhang partisipasyon ng mga katutubo sa usapin ng Free, Prior, and Informed Consent, ang banta ng maraming mga negosyo, plantasyon, mega dam projects, at mapanirang minahan sa maraming katutubong komunidad.
Ang mga suliraning ito ay magkakaugnay at patong-patong na higit na nagpapabigat sa kalagayan ng maraming katutubong babae at bata. Ang tumitinding kahirapan, kawalan ng akses sa lupa at kabuhayan, displacement, at ilang dekada nang pagpapabaya at pagsasantabi sa kapakanan ng mga katutubong komunidad ay lalo pang nagpapalala sa mga hamong kinakaharap nila.
Isa na namang Buwan ng mga Katutubo ang nagsasara. Ngunit patuloy ang aming pakikibaka para sa lipunang malaya, nagpapalaya, at may pagkilala sa tunay na lakas at boses ng mga katutubo at ng mga katutubong babae.
PADAYON!

